NAHAHARAP sa kasong kidnap for ransom at illegal detention ang tatlong pulis na nakatalaga sa PCP-1 ng Taguig City Police.
Namatay ang isa nilang kasamahan sa nangyaring enkuwentro sa kanilang mga kabaro sa isang construction site sa Western Bicutan, Taguig City.
Agad binawian ng buhay sa insidente ang pulis na si PO1 Gererdo Ancheta, tinamaan ng mga bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Habang ang tatlong kasamahan niya ay nadakip na kinilalang sina PO1 Bryan Amir Bajoof, PO1 Paolo Ocampo at PO2 Joey Maru, na sinasabing lider ng grupo.
Ayon kay Taguig City Police chief, S/Supt. Alexander Santos, nangyari ang enkuwentro sa Tandem St., Arca South, sakop ng Food Terminal Inc. (FTI) sa Western Bicutan, Taguig City dakong 3:30 ng madaling araw.
Sinabi ni Santos, una nang biniktima ng grupo ang isang babaeng dating live-in partner ng isang umano’y drug dealer, na puwersahang pinasok ang bahay at kinuhaan ng mga gamit at P50,000 salapi.
Nitong Lunes, 30 Hulyo, dakong 8:30 pm, dinukot ng grupo ang magkasintahang sina Ronielyn Caraecle at isang kinilalang alyas Samuel, sa Viscara St., Brgy. New Lower Bicutan ng naturang lungsod, na sinasabing sangkot sa droga.
Dinala ang dalawa sa isang lugar at sapilitang kinuha ng mga pulis ang P70,000, dalawang gintong relos at Louie Vuitton wallet.
Aniya, para makala-ya, hiningian ng mga pulis ang magkasintahan ng halagang P200,000 ngunit ang naibigay lamang nila ay P20,000 dahil ito lamang ang nahagilap na halaga ng mga kaanak ni Caraecle.
Napilitang palayain muna ang babae para makahagilap ng pera at naiwan ang nobyo sa mga pulis.
Nagpasyang magsumbong si Caraecle sa tanggapan ng Taguig City Police dahil sa sinapit nila sa apat na pulis na dumukot sa kanila.
Agad nagsagawa ng entrapment operation ang mga kagawad ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Special Operation Unit (SOU) kontra sa kanilang mga kabaro.
Kahapon ng madaling-araw dakong 3:30 sa Tandem St., Arca South, Brgy. Western Bicutan ay nagkaroon ng enkuwentro ang grupo ng SDEU, SOU at mga suspek.
Sa palitan ng putok, bumulagtang walang buhay si Ancheta habang ang mga kasamahan niyang sina Maru, Bajoof at Ocampo ay nasakote.
Bunsod ng insidente, sinibak sa puwesto ang 39 pulis na nakatalaga sa PCP 1, kabilang ang kanilang commander na si S/Insp. Joel Villapan.
(JAJA GARCIA)