DALAWA pang opisyal ng Palasyo ang kumita sa kontrobersiyal na P60-milyong advertisement ng Department of Tourism sa state-run People’s Television Network Inc.
Nabatid na hindi magtatagal ay mabubulgar ang partisipasyon ng dalawang opisyal ng Palasyo sa iregular na transaksiyon.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na lahat nang nakinabang sa PTV-DOT ads ay dapat pangalanan, imbestigahan at sampahan ng kaso batay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Dapat po lahat iyong binigyan ng cut, napasama sa demanda. Sino ba ho iyan? Sino? Well kung sino po lahat iyan, ilabas lang po ang pangalan, I’m sure dapat po maimbestigahan sila,” ani Roque nang sabihin sa kanya ng isang reporter ang pangalan ng dalawang Palace officials.
Batay sa COA report, ang P60 milyong ibinayad ng DOT sa PTVNI ay napunta sa Bitag Media Unlimited, Inc., na pagmamay-ari ni Ben Tulfo, host ng programang Kilos Pronto at kapatid ng nagbitiw na si Tourism Secretary Wanda Teo.
Ipinagkibit-balikat ni Roque ang pang-uuyam ni Ben sa publiko na mamumuti ang mga mata pero hindi niya ibabalik ang P60-M sa DOT sa kabila ng utos ng COA na isauli ito.
“Ang huling deklarasyon po ng Presidente diyan – and I asked him explicitly – is we will let the legal process proceed. Let the legal process proceed, let those liable be held responsible,” dagdag ni Roque.
Iniimbestigahan na aniya ng Ombudsman ang isyu at magiging ikalawang reklamo na ang ihahaing kasong plunder ni Sen. Antonio Trillanes IV laban sa mga Tulfo.
Magugunitang bago magbitiw si Wanda bilang Tourism secretary ay inihayag ng kanyang abogadong si Ferdinand Topacio na ibabalik ng mga Tulfo ang P60-M sa kaban ng bayan.
(ROSE NOVENARIO)