NANAWAGAN ang kampo ni Vice Mayor Emmanuel Antonio Umali sa mga tagasuporta at mga kalalawigan sa Nueva Ecija na ‘wag magpadadala sa mga paninira sa kanyang pamilya at manatiling kalmado sa kabila ng kaliwa’t kanang pamomolitika ng mga kalaban nila sa politika.
Mahinahong tinanggap ni Umali ang utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 4 Hulyo 2018 na bumaba sa puwesto habang dinidinig ang kanyang motion for reconsideration sa Office of the Ombudsman.
Nag-ugat ang kaso sa bintang ng mga kalaban sa politika ng mga Umali na ini-repack ang relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ginamit umano nila sa pamomolitika noong 2016 elections.
“Malinaw naman po ang motibo ng ginagawang pamomolitika sa atin, sa aking kapatid na si governor Oyie (Umali) at sa ating butihing gobernadora Cherry (Umali). Ang pamilya Umali, higit sa disiplina at malasakit sa tao – kami ay naninindigan para sa totoong pagbabago at pagpapabuti sa kabuhayan ng mga minamahal naming Novo Ecijano,” wika ng bise alkalde.
Binigyang-diin din ni Umali, sa loob nang mahigit isang dekadang serbisyo ng “Tatak Umali,” iginiit niya na marami na ang nabago sa buhay at kabuhayan ng mga taga-Nueva Ecija, lalo sa pagpapalakas ng basic social services, matinong pamamahala, matalinong serbisyo-publiko at makataong adbokasiya na sinimulan ng kanyang nakatatandang kapatid na si 3-termer governor Atty. Aurelio “Oyie” Umali.
“Ang Tatak Umali po ang naging simbolo ng malaking pagbabago sa ating lalawigan. Tayo po ang bumasag sa dinastiya ng makalumang politika sa ating lalawigan. Tayo po ang naging instrumento para muling mangarap at umahon sa hirap ang ating mga kalalawigan. Hindi po natin hahayaan na sirain lamang ito ng mga naghahangad na ibalik ang madilim na liderato sa ating probinsiya,” giit ni Umali.
Kinondena rin ng bise alkalde ang ikinakalat na ‘fake’ reversal decision ng mga kalaban nila sa politika para maibalik siya bilang pinuno ng konseho ng pamahalaang panlungsod ng Cabanatuan City.
Tiwala si Umali na anomang oras ay maglalabas ng reversal order ang Office of the Ombudsman para malinis ang kanilang pangalan sa eskandalong gawa-gawa lamang ng mga kalaban nila sa politka.
“Ako’y naniniwala na darating ang oras ‘the truth will set us free.’ Hindi ako nagmamadali na makabalik sa puwesto dahil nasa panig tayo ng katotohanan. Kung anoman ang mga ginagawang paninikil sa atin ngayon ng mga kalaban natin, magsisilbi itong lakas at inspirasyon para patatagin pa ang malasakit at totoong pagseserbisyo sa ating mga kalalawigan,” anang bise alkalde.
Sa ilalim ng programa at proyekto ng mga Umali, prayoridad ng provincial government sa ilalim ng liderato ni Gov. Cherry kaagapay ang esposong si ex-governor Atty. Oyie na mabigyan ng tapat na serbisyo ang bawat Novo Ecijano.
ni RAMON ESTABAYA