NAGDEKLARA ng state of calamity ang lalawigan ng Occidental Mindoro nitong Lunes dahil sa patuloy na pagbaha dulot ng mga pag-ulan dala ng habagat.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), sanhi ng matinding pagbaha ang pag-apaw ng mga ilog sa lalawigan dulot ng malakas na buhos ng ulan.
Linggo ng gabi ay pinalikas sa evacuation centers ang mga residenteng naninirahan sa mga nalubog na lugar.
Patuloy pang nangangalap ng datos ang PDRRMO sa bilang ng mga lumikas, at halaga ng mga napinsalang pananim at ari-arian.
Inamin ng PDRMMO na nahihirapan silang maihatid sa mga bayan-bayan ang karagdagang tulong dahil sa mga kalsadang binaha at hindi madaanan.
Kabilang sa mga lugar na nalubog sa baha ang National Road sa bayan ng San Jose.
Habang mistulang ilog ang mga palayan sa Brgy. Tangkalan sa bayan ng Mamburao. Halos lampas-bahay ang baha sa Brgy. Tayamaan, Mamburao.
Bunsod umano ito ng nasirang dike sa lugar na malapit sa Mamburao River. Nalubog din sa baha ang municipal hall compound ng bayan ng Sablayan.