Friday , November 15 2024

Katarungan, tuluyan na bang makakamit ng Boracay?

INAKALA ng nakararaming kapitalista sa isla ng Boracay na tapos na ang isyu hinggil sa ipinasarang isla na paboritong puntahan ng mga dayuhan maging ng mga lokal.

Mali ang kanilang akala dahil kinakailangang may managot – hindi lamang resort owners kung hindi maging ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan… at siyempre, kabilang diyan ang ilan sa opisyal ng  DENR ng Aklan na maaaring nagbigay ng lakas ng loob sa resort owners na patakbuhin ang kanilang negosyo sa kabila na may mga paglabag sa batas.

Marahil, inakala din ng resort owners at lokal na pamahalaan, sa ginagawang rehabilitasyon sa isla ay kinalimutan na ng pamahalaan ang nangyaring pagwasak sa kapaligiran ng Bora.

No, no, no…kung hindi pinanindigan ng pamahalaan ang banta na kinakailangang may managot. E sino-sino ba ang dapat managot. Kung tayo ang tatanungin, unang dapat sampahan ng kaso at nararapat patawan agad ng suspensiyon ang lokal na opisyal ng DENR.

Katunayan, kung hindi sa kanila, marahil ay hindi naging abusado ang ilang resort owners. Puwede rin ngang sila lang sampahan ng kaso at ilibre na ang mga nagmamay-ari ng resort. Bakit?

Hindi sa kinakampihan namin ang mga negosyante, sa halip ay para ipadama lang sa mga kumita ‘este, sa mga naging pabaya (pala) sa lokal na pamahalaan at sa DENR na sila ang talagang naging mastermind sa pagyurak sa isla. Sa baryang kinita, kinalimutan na ang Inang Kalikasan. Iyan lang naman ay kung may kumita. Wala naman, hindi ba? Hehehe

Pero kung naging estrikto sana ang DENR at lokal na pamahalaan, sa pagpapatupad sa batas, marahil ay hindi sarado ang isla ngayon. Magkano ba kasi? Ang alin? Wala! Oo, walang kumita sa lokal na pamahalaan maging sa DENR, kaya nasira ang kapaligiran sa Bora.

Ano pa man, nararapat lang may managot sa nangyari sa isla. Pero, sana hindi lang hanggang umpisa ang pamahalaan. Hindi naman e, heto nga may kinasuhan na ang National of Bureau and Investigation (NBI). Mabuti naman kung ganoon.

Kinasuhan ng paglabag sa Revised Forestry Code of the Philippines, Philippine Fisheries Code, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Local Government Code ng NBI Environmental Crime Division sa Department of Justice (DOJ)  ang ilang Boracay resort owners at mga lokal na opisyal sa Malay, Aklan dahil sa mga paglabag sa environmental laws.

Sa ulat, kabilang sa kinasuhan ang mga may-ari at stockholders ng Boracay Island West Cove Management Philippines Inc., Correos Internacionale Inc., Seven Seas Boracay Properties Inc., at Boracay Tanawin Properties.

Kinasuhan ang mga nabanggit, makaraang malaman ng NBI na nag-o-operate sa isang “no build zone” ang mga resort kahit walang lisensiya at permit at kahit may kautusang isara.

Hanep, lakas ng loob ng mga may-ari ano, bakit? Walang lisensiya at permit at may kautusang isara noon pero, ano ang nangyari?

Tsk…tsk… kay lalakas ng loob. Bakit nga ba? Tanging mga taga-DENR Aklan at lokal na pamahalaan lang ang makasasagot ng tanong na ‘yan. Magkano ba ‘este, sorry mali pala, ang katanungan ko. Ang ibig ko ay paano nangyari iyon? Sino ba ang dapat na sisihin kung sakaling totoong lumabag sa batas ang mga nabanggit na resorts? Resort owners ba o ilan sa opisyal ng DENR at lokal na pamahalaan?

Patunay na hindi ningas kugon ang pamahalaan sa pagliligtas sa isla ng Boracay. Hayun, base sa ulat — inasunto rin ng NBI sina incumbent Mayor Ceciron Cawalig, dating Malay Mayor John Yap, at iba pang mga opisyal. Bakit kaya? Naging pabaya ba sila? Hindi naman, dahil hindi naman sila iresponsable.

Mahal na ma­hal nila ang Bora. Hin­di ba Mayor Cawalig at Mayor Yap? Mahal nina Cawalig, Yap at ilan pang opisyal ng isla ang Bora dahil ito ang bumu­buhay sa bayan… at maraming ma­ma­mayan ng isla at karatig isla/bayan ang nagkakaroon ng trabaho sa Bora.

Pero, sana hindi lang hanggang pagsasampa ng kaso ang lahat, kung hindi may patutunguhan ang hakbangin ng pamahalaan. I hope, walang mangyaring himala sa korte… para makamit naman ng isla o ni inang kalikasan ang katarungan.

Kunsabagay, hindi naman siguro mabubulag ng naggagandaang resorts ang mga taga-korte.

Sana!

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *