PINATALSIK si Rep. Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte sa pagka-speaker ng Kamara kahapon sa isang kudeta na nagluklok kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, ilang minuto bago dumating si Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi, umano, naka-obra ang gimik ng grupo ni Alvarez na manatili sa puwesto sa pag-adjourn ng session nang mag-anunsiyo si Deputy Speaker Rolando Andaya na mayroon nang mahigit sa 141 mambabatas na sang-ayon sa pagluklok kay Arroyo sa puwesto ng speaker.
Nawala ang audio sa session hall habang nagsasalita si Andaya.
Samantala, sumalubong si Alvarez kay Duterte sa helipad sa likod ng main building ng Kamara, pinanumpa na si Arroyo ng mga kongresista sa tulong nila Andaya at Deputy Speaker Fredenil Castro.
Sa monitor sa loob ng session hall, nakita na si Arroyo ay lumabas papunta sa likod ng session hall patungo sa opisina ng Presidential Legislative Liason Office na kinaroroonan nina Duterte at ni Alvarez.
Hangang sa mga sandaling (4:36pm) isinusulat ang balitang ito, hindi pa nakapagsasalita si Duterte sa harap ng joint session ng lehistratura.
Ayon sa Tindig Pilipinas, ang insidente ay nagpakita ng pagkawala ng pamumuno ni Duterte. Nagtatraidoran, umano, ang mga supporter ni Duterte.
Mag-a-alas 5:00 ng hapon na, hindi pa nag-umpisa ang SONA. Ang sabi ng sources sa Kamara, nag-uusap pa sina Duterte, Arroyo at Alvarez.
Hindi rin makita ang “mace,” ang simbolo ng awtoridad ng Kamara at ng Speaker.
Sa huling ulat, umabot sa 184 mambabatas ang sumuporta kay GMA pero kailangan umano itong i-formalize ngayon o sa mga susunod na araw kaya si Alvarez ang nakaupo sa podium kasama ni Senate President Tito Sotto.
Hindi na puwedeng iluklok sa pagka-speaker kahapon si GMA dahil mag-a-adjourn agad pagkatapos ng SONA.
ni Gerry Baldo