ABANGAN ang magiging sorpresa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ikanyang ikatlong State of the Nation Address ngayon.
Sinabi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, laging puno ng sorpresa si Pangulong Duterte kaya abangan na lang ng publiko kung ano ito.
Tiniyak ni Go, galing sa puso ng Pangulo ang kanyang ihahayag sa SONA at kabilang sa mga isyung matatalakay ay may kaugnayan sa illegal drugs, kriminalidad, korupsiyon at federalismo.
Inaasahang lalagdaan ng Pangulo bago ang SONA ang Bangsamoro Organic Law.
Bagama´t tatlumpo’t limang minuto ang itatagal ng inihandang talumpati ng Pangulo, maaaring lumampas ito kapag may mga usapin siyang nais banggitin, sabi ni Go.
Inatasan aniya ng Pangulo ang mga awtoridad na pairalin ang maximum tolerance sa mga grupong maglulunsad ng kilos-protesta ngayon.
Hindi aniya haharapin ng Pangulo ang mga raliyista gaya noong isang taon.
Nauna nang sinabi ni Go, maliban sa accomplishments sa nakalipas na dalawang taon ng kanyang administrasyon ay ihahayag din ng Pangulo ang mga pangunahing suliranin ng bansa at mga hakbang na isasagawa para malutas ito.
Sa kanyang unang SONA ay naglunsad ng kilos-suporta ang mga makakaliwang grupo at sa ikalawang SONA ng Pangulo ay kilos-protesta na ang isinagawa nila ngunit hinarap sila ng Punong Ehekutibo sa labas ng Batasan Complex.
(ROSE NOVENARIO)