HABANG kasado na ang mga kongresista para pumalakpak sa mga sasabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pangatlong State of the Nation, nakahanda na rin ang “cause-oriented groups” na bumatikos sa mga kapalpakan ng pangulo at ng kanyang gobyerno.
Pangunahing babatikusin ng mga grupo ang tangkang pag-amyenda sa Konstitusyon sa isang United People’s SONA sa labas ng St. Peter’s Church sa Commonwealth Avenue.
Magmamartsa ang mga grupo mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila patungong St. Peter’s Church, 2:00 ng hapon.
Sasama sa pagkilos ang Bagong Alyansang Makabayan, Tindig Pilipinas, Laban ng Masa at mga organisasyon na may kaugnayan sa simbahan.
Ang Kamara ay nakahanda nang talakayin ang “draft federal constitution” na isinumite ng Consultative Committee kay Speaker Pantaleon Alvarez na nangakong tatapusin ito sa anim na buwan kapalit ang pagbinbin sa eleksiyon sa 2019.
Ayon kay Southern Leyte Rep. Roger Mercado, pinuno ng Committee on Constitutional Amendments ng Kamara, sa Miyerkoles na sila mag-uumpisa ng hearing sa Cha-cha.
“Agad naming tatalakayin ang mga rekomendasyon ng Consultative Committee. Kung maaari sa Miyerkoles na. ‘Yan ang mandato ng komite namin,” ani Mercado.
Ani Alvarez puwedeng tumagal nang anim na buwan ang pagpasa ng Cha-cha.
“Puwede pong [tumagal]. Kasi depende nga ‘yun kung magkasundo or hindi magkasundo, hindi ba? Mapagde-debatehang mabuti iyan. At pagkatapos niyan, bago mo isalang sa taong-bayan iyan, may requirement pa rin, ‘yung massive information drive. We have to educate the people, hindi ba, kung ano itong isasalang sa plebisito,” ani Alvarez.
ni Gerry Baldo