BAHAGYANG lumakas ang tropical depression Inday at inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility sa Sabado, ayon sa state weather bureau, nitong Miyerkoles.
Sa 5:00 pm advisory kahapon, sinabi ng PAGASA, huling namataan si Inday sa 755 km east ng Basco, Batanes, habang may lakas ng hangin na aabot sa 60 kph at pagbugsong hanggang 75 kph.
Sa pagtataya ng PAGASA, kikilos ang sama ng panahon sa bilis na 25 kph.
Inaasahang palalaka-sin ni Inday ang southwest monsoon o habagat, na magdudulot nang bahagya hanggang malakas na buhos ng ulan sa Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley, Zambales, at Bataan.
Habang magkakaroon ng kalat-kalat na mga pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Ang mga residenteng naninirahan sa nabanggit na mga erya ay binalaang maaaring magkaroon ng pagbaha at pagguho ng lupa sa kanilang lugar.
Walang itinaas na storm signal ang PAGASA, ngunit idiniing delikado ang paglalayag sa karagatan sa Central Luzon at eastern seaboard ng Northern Luzon.
Ang matinding buhos ng ulan dahil sa lumakas na southwest monsoon ay nagresulta sa kanselasyon ng mga klase sa mga eskuwelahan sa ilang mga erya noong Martes at Miyerkoles.