NAGBABALA si House Speaker Pantaleon Alvarez na kung patuloy na haharangin ng mga Senador ang Chacha, itutulak aniya ang People’s Initiative para sa pag-amyenda ng Saligang Batas at ng porma ng gobyerno.
Ani Alvarez dapat nang magdesisyon ang Kamara at Senado kung ipagpapaliban ang eleksiyon sa Oktubre sa susunod na taon dahil mahirap umano kapag inabutan ng paghahain ng certificates of candidacy.
Giit ni Alvarez, kailangan ipagpaliban ang eleksiyon para magpagtuonan ng pansin ng mga mambabatas ang chacha na magtutulak sa federalismo.
“Bago mag-file ng certificate of candidacy,” ani Alvarez sa pagpaliwanag ng kanyang posisyon.
Sa panig ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu nakapag-file na siya ng bill tungkol sa magsulong ng People’s Initiative.
Ani Abu, ang Republic Act (RA) No. 6735 o ang “Initiative and Referendum Act through People’s Initiative” ay isang batas na magbibigay ng paraan sa tao para makapagdirekta ng amyenda sa saligang batas.
Importante aniya ang karapatan ng tao na magpasok ng mga pagbabago sa Konstitusyon.
Patuloy ang babala ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na ang mahihirap ng rehiyon ay lalong maghihirap sa ilalim ng federalismo.
“Ang (mga) mahihirap na probinsiya at rehiyon ay lalong maiiwan at maghihirap sa federalismo,” ani Alejano.
Para kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. France Castro at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang nagtutulak ng Cha-cha ay desperado na.
“Tingin namin ito ay pinaka-desperate move ng liderato ng Kamara dahil ‘di ba nga sa survey 67% ang ayaw sa federalismo at 64% sa Cha-cha bakit hindi nila pakinggan ang taong-bayan at hindi nila asikasohin muna ang mga tunay na problema para tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan,” ani Castro.
“Sobrang self serving ng pahayag na ‘yun na mag-people’s initiative lalo pa’t popondohan ‘yun. Magkano ‘yung ipopondo para doon samantala hindi nila ‘yun magamit para sa ating mga kababayan na nahihirapan ngayon. Hindi ibigay ‘yung pondo na ‘yun, ‘yung gastos na ‘yun,” ani Brosas.
ni Gerry Baldo