UMAPELA si Quezon City Police District director, C/Supt. Joselito Esquivel nitong Miyerkoles sa mga raliysita, sa anti o pro-administration, na magdala ng kanilang sariling garbage bag sa isasagawang State of the Nation Address (SONA) rallies upang mapanatili ang kalinisan sa mga kalsada.
“Ang challenge ko lang sa mga rallyista, both dun sa protester and pro-administration is you bring your own garbage bag, all your garbage ilagay n’yo roon,” ayon kay Esquivel.
“We will designate a certain na point of collection at after naman nitong activity mabilis tayong mag-normalize at malinis at tulong na rin natin sa kalikasan,” dagdag niya.
Libo-libong raliyista ang inaasahang daragsa sa Commonwealth Avenue sa Quezon City sa isasagawang ikatlong SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes, 23 Hulyo.
Aabot sa 7,000 pulis ang itatalaga para matiyak ang seguridad sa SONA ngayong taon.