SA kabila ng mga limitasyon at balakid, mas ganado si Vice President Leni Robredo na pagbutihin ang kaniyang trabaho, lalo’t nakikitaan ng mas malaking suporta ang kaniyang programa para sa mahihirap na Filipino.
Ayon kay Robredo, malaking bagay ang resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia, na nagtala siya ng 62 percent approval rating — mas mataas nang pitong porsiyento mula noong Marso. Malaki ang pag-angat ng kaniyang ratings sa National Capital Region, na tumalon ng 20 points patungong 58 percent, at sa Mindanao, na siya ay nagkamit ng 73 percent, mas mataas nang 17 points.
Para sa Bise Presidente, ang pagtaas ng approval ratings niya ay pagkilala ng taongbayan sa mga ginagawa ng kaniyang opisina para sa mahihirap, sa pamamagitan ng Angat Buhay anti-poverty program.
Bagamat limitado ang budget, naabot na ng Office of the Vice President ang 176 mahihirap na komunidad sa bansa, katuwang ang mga partner nito mula sa pribadong sektor.
Sa loob ng dalawang taon ni Robredo bilang Pangalawang Pangulo, nakapagbigay na ang OVP ng mahigit P252-milyong halaga ng mga proyekto at programa, na ang nakikinabang ay mahigit 155,000 pamilyang Filipino.
Kabilang sa mga inisiyatibang ito ang Metro Laylayan program, na nagdadala ng tulong at serbisyo ang OVP at partners nito sa mga nangangailangan sa Metro Manila.
Aktibo rin ang OVP sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, kabilang ang Marawi City, na nagpatayo ng transition shelter units para sa mga residenteng napilitang lumikas dahil sa bakbakan.
Pormal na binuksan ang Angat Buhay Village sa Barangay Sagonsongan nitong Martes, 17 Hulyo, para sa unang 60 pamilyang pansamantalang maninirahan dito.
Ang transitory village na ito ay naitayo sa pakikipagtulungan ng OVP sa Xavier University – Ateneo de Cagayan, Marawi City local government, at mga partner na nagbigay ng pondo, serbisyo, at iba pang pangangailangan ng mga napiling pamilya.
Bukod sa shelter units at basic services, binigyang-prayoridad rin ang social preparations para sa mga pamilya.
HATAW News Team