MAHIGIT isang taon ang makalipas matapos ipangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na tutugunan ang problema sa overtime pay ng mga immigration officer sa airport, inilabas ng Palasyo ang Memorandum Order No. 24 para sa implementing guidelines nito.
Batay sa MO 24, natapyasan ang OT pay ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa dati nilang kinikita.
Nakasaad sa memo order na nilagdaan noong 13 Hulyo, kukunin sa mga makokolektang express lane fees and charges ang pondo para sa overtime pay ng BI personnel.
Sa bawat P100 makokolekta, P64 ay para sa OT pay ng mga regular o organic personnel, P25 ay para sa mga contractual employees, habang ang nalalabing P11 ay mapupunta sa national treasury bilang income sa general fund.
Madalas humahaba ang pila sa mga immigration counter sa airport dahil iilan lang ang naka-duty na immigration officer dahil sa hindi nababayarang overtime pay.
Matatandaan, ipinatigil ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang pagbabayad sa OT pay ng mga kawani ng BI mula sa express lane fund noong Abril 2017 dahil ugat umano ito ng korupsiyon.
Nagkaroon nang malawakang pagbibitiw ng mga empleyado sa BI bunsod ng naging desisyon ni Diokno dahil kulang ang kanilang sahod kung wala ang OT pay.
Noong Disyembre 2017 ay pinayagan ni Pangulong Duterte na gamitin ang kita mula sa express lane fees upang ipambayad sa sahod at overtime pay ng mga empleyado ng BI sa 2018 hangga’t hindi pa naisasabatas ang bagong Immigration Modernization Law.
(ROSE NOVENARIO)