HINDI dapat ipilit ng mga taga-administrasyon ang gusto nila na baguhin ang Konstitusyon kung hindi naman ito nais ng taong-bayan, base na rin sa survey ng Pulse Asia.
Nakatatakot ang posibleng mangyari sa sandaling igiit ng Malacañang na ituloy ito nang hindi naiintindihan ng tao. Palasyo na rin ang nagsabi kaya mababa ang bilang ng mga tao na ayaw sa charter change dahil maaaring hindi kasi nila ito alam.
Kaya nga ‘di ba mas nakatatakot kung isusubo sa mamamayan ang isang bagay na hindi nila alam dahil posibleng almahan ito, na maaari lang magdulot ng inestabilidad sa bansa?
Hindi ba’t mas mainam muna kung pagbubutihin ng gobyerno ang kanyang information drive para mapalakas ang kaaalaman ng mamamayan hinggil sa isinusulong na charter change, hanggang matanggap ito ng publiko, hanggang sila mismo ang humiling na nais nila ng pagbabago sa ating Saligang Batas.
Iyon ang dapat pagtuunan ng pansin ngayon ng administrasyon, pag-aksayahan ng oras at effort ang pagpapaliwanag sa mamamayan ng kanilang hangarin na baguhin ang Konstitusyon.