INIREKOMENDA ng National Bureau of Investigation ang paghahain ng kasong technical malversation laban kina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget chief Florencio Abad bunsod ng kanilang pagkakasangkot sa pagbili ng P3.5 bilyon Dengvaxia vaccine.
Sa sulat na tinanggap ng Office of the Ombudsman noong 13 Hulyo, isinumite ni NBI Director Dante Gierran ang resulta ng preliminary investigation ng Bureau hinggil sa mass immunization program at inirekomenda ang paghahain ng kaso laban kay Aquino at sa dalawa niyang Cabinet secretaries.
Ang kaso laban kay Aquino ay nag-ugat nang kanyang aprobahan ang paggamit ng savings ng executive department’s 2015 Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) para sa pagbili ng anti-dengue vaccine.
Ang initial funding na P3.5 bilyon ay inilaan para sa bakuna sa mga estudyante sa pampublikong paaralan sa National Capital Region, Regions 3 at 4-A.
Gayonman, sinabi ng NBI, pinahihintulutan lamang si Aquino na ilaan ang savings sa umiiral na mga proyekto ng gobyerno, ipinuntong ang pagbili ng dengue vaccines ay hindi kabilang sa 2015 national budget.
“Former President Aquino, by his authority, declared the use of savings from the 2015 Mutual Benefit Personnel Fund and use the same to ‘augment’ a non-existent anti-dengue immunization program of the Department of Health,” pahayag ng NBI sa kanilang rekomendasyon.
Ayon sa NBI, ang paggamit ng savings ay imposibleng mangyari nang walang rekomendasyon mula kina Garin at Abad, kapwa inaprobahan ang budget allocation sa kabila na hindi kabilang ang proyekto sa budget at sa Philippine National Drug Formulary (PNDF). Ang PNDF ay listahan ng mahalagang mga medisina na napatunayang epektibo at ligtas at mababa ang halaga. Ang gobyerno ay kailangan bumili ng mga gamot base sa nasabing listahan.