TUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakakilanlan ng umano’y mastermind sa pagpaslang kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Iniharap ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde nitong Lunes, ang diagram ng mga suspek sa pagpaslang kay Bote at tinukoy ang isang nagngangalang Christian Saquilabon bilang mastermind.
Isa umanong kontratista ng mga proyekto si Saquilabon, at pinaniniwalaang may kinalaman ang negosyo sa pagpatay sa alkalde.
Sinabi ni Police Regional Office 3 director, C/Supt. Amador Corpus, tinutugis nila ang hanggang walong suspek sa pagpatay kay Bote.
Sina Florencio Suarez at Roberton Gumatay, umano’y mga gunman, ay arestado na habang si Arnold Gamboa ay sumuko sa mga awtoridad.
Si Saquilabon, isang nagngangalang Jun Fajardo at dalawang John Does ay nakalalaya pa.
Si Bote ay lulan ng kanyang sasakyan nang pagbabarilin ng hindi kilalang gunman dakong 4:30 pm noong 3 Hulyo sa labas ng tanggapan ng National Irrigation Administration sa Cabanatuan City.
HATAW News Team