ANG pansamantalang pag-alis ng police security escort kay Senador Antonio Trillanes IV, ay bahagi ng “comprehensive review” sa deployment ng mga pulis, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.
Sinabi ni Trillanes, binawi ng PNP at military ang kanyang security escorts sa pagtatapos nitong Hunyo, at hindi siya binigyan ng Senado ng ano mang security detail.
Ayon sa PNP, inire-review nila ang lahat ng protective security personnel sa ilalim ng Police Security and Protection Group (PSPG) na ipinagkakaloob sa lahat ng kwalipikadong VIP kabilang ang halal at itinalagang opisyal ganoon din sa mga pribadong indibidwal.
Ang hakbang ay alinsunod sa planong imaksimisa ang paggamit ng human resources. Isasaalang-alang din ang specific security needs ng key officials at private citizens, ayon sa police force.
Dagdag ng PNP, “the review also part of PNP’s proactive measures to ensure police personnel will not be, wittingly or unwittingly, used by their VIPs for economic or political reasons especially as we approach the election season.”
Iniutos ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde sa PSPG na pansamantalang pagkalooban si Trillanes ng dalawang security personnel habang hindi pa lumalabas ang resulta ng comprehensive review.
Ibinunyag ng opposition senator ang hinggil sa pagbawi sa kanyang police security detail makaraan iulat ng isang netizen na ang police escort ng napaslang na si Tanauan City Mayor Antonio Halili, ay inalis bago siya napatay.
Ang security detail ni Halili mula sa PNP ay binawi noong 2017.
Ang alkalde, kilala sa pag-uutos sa pagparada sa hinihinalang mga kriminal, ay binaril at napatay habang may flag ceremony sa kanyang lungsod.
Kabilang siya sa ilang alkalde at bise alkalde na napaslang sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
(HNT)