READ: Matthysse, pinaluhod sa 7th round: Pacquiao kampeon na naman
READ: Panalo ni Pacquiao tagumpay ng sambayanan — Duterte
NAGPAHAYAG ng katuwaan ang mga kongresista kay Manny “Pacman” Pacquiao sa pagkapanalo niya sa laban kay Lucas Matthysse, taga Argentina.
Pinabagsak ni Pacman si Matthysse sa ika-7 round para sungkitin ang korona ng WBA World Welterweight sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur kahapon.
Ayon kay House Deputy Speaker Rep. Raneo Abu ng Batangas ang pagkapanalo ni Pacman ay nagbibigay ng patuloy na inspirasyon sa kabataang Filipino sa panahon na kailangan ito.
“Si Sen. Manny ay patuloy na nagbibigay ng karangalan at pagmamalaki sa ating bansa. Salamat,” ani Abu.
“Ipinakita na naman ni Pacquiao sa buong mundo na kayang lumaban ng Filipino sa pinakamahusay na antas kahit saang dako ng mundo,” dagdag ni Abu.
Para kay Quezon City Rep. Alfred Vargas, ang pagkapanalo ni Pacman ay nagbigay ng kasiyahan sa mga Filipino.
“I am very proud as a colleague and a Filipino. Sen. Pacquiao brings happiness to us once again,” ani Vargas.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barber inasahan na niya ang pagkapanalo ni Pacman.
“Magpasalamat tayo sa panibagong dangal na ibinigay niya sa mga Filipino,” pahayag ni Barbers.
Si Rep. Sherwin Tugna ng party-list Citizens Battle Against Corruption, “si Pacman ang salamin ng buhay nating mga Filipino. Maraming, maraming salamat Pacman sa regalo mong simbolo ng pag-asa sa aming mga Filipino.”
“Malaking morale booster ito sa atin lahat,” ani Ben Evardone ng Eastern Samar.
Kay Davao City Rep. Karlo Nograles, hindi kinaya ng isang bata at malakas na boxer ang bilis ng kilos ni Pacman.
(GERRY BALDO)