INIHAYAG ng mga awtoridad nitong Huwebes ang pagsasara sa Manila Police District Station 9 habang nagsasagawa ng general cleaning sa buong pasilidad.
Ayon sa ulat, tumulong ang mga doktor mula sa MPD headquarters sa medical check-ups ng mga preso sa nasabing clean-up operation.
Hinigpitan ang seguridad para mapigilan ang mga preso sa tangkang pagtakas.
Inilinaw ng police station na ang paglilinis ay matagal nang itinakda para isagawa nitong Huwebes.
Isinagawa ang general cleaning ilang araw makaraan ang pagkamatay ng isang preso na na-diagnose na may necrotizing fasciitis o flesh-eating disease.
Gayonman, ang dahilan ng pagkamatay ay hindi pa tinutukoy.
Ang preso ay dating nakapiit sa Station 9 bago siya inilipat sa Manila City Jail, tatlong araw bago siya binawian ng buhay.
Nitong Martes, ang ikapitong preso na natuklasang may severe skin disease ay isinugod sa Philippine General Hospital.
Sinabi ng Station 9 police, hindi dapat sabihing ang flesh-eating bacteria ay nakuha ng biktimang namatay, mula sa kanilang pasilidad.
Sa isinagawang medical check-ups ay nabatid na walang ano mang seryosong skin diseases ang female inmates.
Gayonman, ilan sa kalalakihang preso ay dinapuan ng pigsa.
HATAW News Team