NATUKOY at naaresto ang isang laborer na pangunahing suspek sa panghahalay at pagnanakaw sa isang 14-anyos na dalagita sa Quezon City, kahapon dahil sa mga kuha sa CCTV camera at palagiang ‘pagsutsot’ sa biktima tuwing dumaraan sa harap ng pinagtatrabahuang construction site.
Lumuhod at humingi ng tawad ang suspek na si Randy Depra, nang magkaharap sila ng biktima sa Masambong police station sa Quezon City, kahapon.
Ayon sa pulisya, Martes ng madaling araw ay pinasok ng suspek ang kuwarto ng biktima. Nang magising ang dalagita ay tinutukan ni Depra ng baril sa sentido at cutter sa leeg.
Pagkaraan ay sinimulang hawakan ng suspek ang maseselang bahagi ng katawan ng biktimang isang Grade 9 student. Alerto pa ang biktima kaya’t nakaisip siya ng palusot at sinabing pulis ang kaniyang ama.
Napatigil ang suspek, ngunit bago tumakas ay kinuha muna ang perang baon sana sa eskuwela ng biktima, at saka binusalan ang bibig at tinalian ang kamay ng dalagita.
Isang construction worker ang madalas daw sutsutan ang biktima kaya’t siya ay naging person of interest. Sa nakuha nilang CCTV footage, makikita ang suspek na nag-aayos ng shorts pagkagaling sa bahay ng biktima.