NAGLALABASAN na ang mga lamat sa isinusulong na Federal Constitution.
Inihalintulad ni Akbayan Rep. Tom Villarin ang tungga nito sa isang hunyango na nagpapalit-palit ng kulay at anyo depende kung kanino ito iniharap.
Ang tunay na layunin umano nito ay nakatago sa likod ng pangako na ito’y magpapaganda sa buhay ng bawat Filipino.
“Pero ang katotohanan, ito’y isang malaking panloloko,” ani Villarin. Ang malinaw aniya, ang ‘frokis’ ng bagong Constitution ay dadaan sa pag-amyenda ng Saligang Batas upang maging totoo.
Ang “draft federal charter” ani Villarin, ay magbibigay sa Pangulo nang malawak na poder at oportunidad na tumakbo sa pangalawang pagkakataon sa eleksiyon sa ilalim ng bagong gobyernong Federal.
Binanggit din ni Villarin na si Pangulong Rodrigo Duterte ay siguradong magkakaroon ng mahigpit na kontrol sa “Federal Transition Commission” bilang chairman nito.
Sa kabila ng ipinapalabas na ang poder ng Federal government ay mahahati sa mga Federal States, ang katotohanan, aniya, nasa Malacañang ang malawakang poder na si Duterte ang may kapangyarihang mag- appoint ng mga tao sa gobyerno, magtakda ng budget, mangutang at gumastos nito.
Sa panig ni Magdalo Rep. Gary Alejano, malinaw na sobra-sobrang poder ang mahahawakan ni Duterte bilang ulo ng Federal Transition Commission.
Sa nakikita sa Duterte administration ‘unqualified appointees’ sa gobyerno, nakatatakot, umano ang panukalang ito.
Isa sa mga probisyon sa panukala ay pag-uutos sa Federal States na gumawa ng plano sa pagbubuwis.
“‘Di ba dapat napag-aralan na ito nang husto kung magkano ang mapupunta sa kanila at kung ano pa ang ibang pagkukuhaan ng pondo? Ang tanong kasi ng karamihang local leaders: “Madadagdagan ba o mababawasan ang kanilang pondo?” tanong ni Alejano.
Ayon sa isang blog ni Raissa Robles, ang Section 4 ng Article XX; at ang Sections 1 at 2 ng Article XXII ng Transitory Provisions ay nakababahala.
Ang Section 4 aniya ay nagbibigay sa pangulo nang malawakang poder para gumawa ng lahat ng klaseng paraan para supilin ang tangkang babuyin ang soberanya ng bansa, ang teritoryo, ang ekonomiya at ang pagkabuo ng Federal Republic sa pagkakataon na hindi ito magawa ng Federal State.
Ani Robles maliit na pagkakamali ng Federal State ay puwedeng mag-udyok kay Duterte na magdeklara ng Martial Law. (GERRY BALDO)