PAWALA na ang pagkapogi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanang Filipino batay sa resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, 11 puntos ang ibinaba ng grado ni Digong sa buong bansa sanhi ng pagmumura niya sa Diyos, ang pagbagsak ng ekonomiya at ang patuloy na patayan.
Reaksiyon umano ito ng “Christian groups” na tumayo para ipagtanggol ang kanilang pananampalataya at hindi mula sa nga lider ng simbahan na takot kay Duterte.
Sinabi ni Villarin, sa Luzon kasama ang Metro Manila, ang base ng pinakamalaking botante, bagsak nang 20 puntos si Duterte.
Sa Visayas at Mindanao umano bagsak din ang pangulo ng 16 at 6 na puntos sa lahat ng “age groups” maliban sa mga kabataan.
Nagbabadya umano ito ng pagbagsak ng gobyernong Duterte.
“Duterte has fallen. It’s an ominous sign that will cause a political fallout,” ani Villarin.
Hindi, aniya, na-distract ang mga Filipino sa kabila ng malawakang “fake news” na ikinakalat ng administrasyon.
Ang ‘perception game’ na ipinapairal umano sa “well-oiled social media machinery” at ang libo-libong pondo ng gobyerno na ginagamit para maghasik ng “fake news” ay hindi umobra.
Hindi rin umano tumupad si Duterte sa mga pangako na tapusin na ang contractualization, ang pagtaas ng sahod ng mga “non-military workers” at ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin kagaya ng bigas, gasolina at iba pang bilihin.
Nasa krisis na ang ekonomiya sanhi ng patuloy na pagtaas ng inflation, ang pagbagsak ng pamumuhunan, at ang pagbagsak ng halaga ng piso.
Pinuna rin ni Villarin ang tangkang pag-utang ng P1.19-trilyon sa susunod na taon.
Aniya, senyales ito na bagsak na ang ekonomiya ng Filipinas.
ni Gerry Baldo