READ: Apo ni Dr. Rizal patay sa hazing (UST freshman law student)
READ: May susunod pa kayang mamamatay sa fraternity hazing!?
NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong batas na nagbigay ng ngipin sa anti-hazing law na nagbabawal sa lahat ng uri ng hazing at regulasyon sa initiation rites ng fraternities, sororities at organizations upang maiiwas sa panganib ang kanilang recruits.
Ang Republic Act No. 11053 o “Anti-Hazing Act of 2018” ay bagong batas na inaasahang tutuldok sa mga insidente ng pagpatay sa hazing victims.
Inaasahan din na ang batas na ito ang magdedeklarang buhay ng apo ni Gat Jose Rizal ang naging kapalit para mawakasan ang pang-aabuso sa mga neophyte sa loob ng kapatiran.
Magugunitang lumakas ang panawagan para sa mas matinding anti-hazing law bunsod nang pagkamatay ng apo ni Rizal na si University of Santo Tomas (UST) law student Horacio “Atio” Castillo III sa hazing ng Aegis Juris fraternity noong Setyembre 2017.
Ang pamilya ng ama ni Atio ay direktang inapo (descendant) ni Soledad Alonzo Rizal, bunsong kapatid ng pambansang bayani, na napangasawa ni Pantaleon Quintero.
Anak nina Soledad at Pantaleon ang lola ng ama ni Atio na si Amelia Rizal Quintero na napangasawa ang anak ni Gen. Miguel Malvar na si Bernabe Malvar.
Sina Amelia at Bernabe Malvar ay magulang ng ina ng ama ni Atio, na si Teresita Malvar Castillo, habang ang kapatid ng kanyang ama na si Dr. Gerardo M. Castillo ay laging kumakatawan sa kanilang pamilya tuwing ipinagdiriwang ang Rizal Day sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa Luneta Park.
ni ROSE NOVENARIO