ISINALANG sa debate ang sexual consent sa Australia.
Salamat sa #MeToo movement, at sinusubukang linawin ng estado sa Australia kung ano nga ba ang ibig sabihin ng consent o pagpayag pagdating sa pakikipagtalik.
Batay sa bagong batas na ipinapatupad na ngayon sa New South Wales (NSW) sa Australia, kung nais makipag-sex, kailangan hilingin ito nang malinaw at nauunawaan ng taong makakatalik. Kailangan din marinig ang malinaw na sagot na “oo” mula sa makaka-sex para maging legal at hindi maging labag sa batas.
Ito’y sa ilalim ng bagong reporma na inihayag ng pamahalaan ng NSW, ulat ng New York Post.
Sadyang inilagay ng nasabing estado, matatagpuan sa east coast ng bansa na ang lungsod ng Sydney ang kabisera, ang sexual consent sa pinakasentro ng isang estratehiya para labanan ang lumalaganap na mga kaso ng sexual assault.
Makaraan ang high-profile rape case na nagpakitang ang umiiral na batas ay hindi sapat para protektahan ang mga biktima.
Naabsuwelto o ipinawalang-sala sa reklamong panggagahasa ang isang lalaking kinilalang si Luke Lazarus matapos ang limang-taong criminal legal battle.
Napatunayan ng jury at dalawang hukom, na ang biktimang babae, noong ginahasa ay 18-anyos pa lang, at hindi pumayag makipagtalik sa lalaki sa likod ng nightclub ng kanyang ama noong 2013.
Napagalaman man ng jury na hindi nga pumayag ang babae, pinagbatayan ng desisyon ng korte para ipawalang-sala ang salarin ang legal issue na kung alam ni Lazarus na hindi pumapayag ang biktimang makipagtalik sa kanya.
Requirement ang magkaparehong kondisyon para malitis ang inireklamo sa ilalim ng umiiral na mga batas.
Ngayon, sa ilalim ng bagong reporma sa batas na may layuning magbigay ng proteksiyon laban sa sexual harassment sa workplace o lugar ng trabaho, ituturo sa publiko sa AUS$1 milyong advertising campaign kung paano makakamit ang malinaw na ‘yes.’
Target ng kampanya ang mga kabataang adult sa mga bar at clubs sa pamamagitan ng social media, na may mga mensahe ukol dito tulad ng “no means no” at “silence is not a yes.”
Iniulat ng ABC News na nais ni Minister for the prevention of domestic violence and sexual assault Pru Goward na mag-shift ang ad campaign sa mga cultural attitude na may kaugnayan sa sexual assault at gawin itong ‘second nature’ na mag-request ng verbal consent bago makipagtalik.
Ayon naman sa Australian publication na Whimn, tumaas ang bilang ng mga kaso ng sexual assault sa NSW na umabot sa 12 porsiyento sa nakalipas na 12 buwan o mahigit 13,000 insidente sa records ng NSW Police.
ni Tracy Cabrera