INUPAKAN ng mga kongresista ang Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa kawalan ng pangil upang ipatupad ang direktiba na bayaran ng P51-milyon ang mga biktima ng “labor-only” contracting upang gawing regular ang mga manggagawa.
Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio malinaw ang desisyon ng DOLE na dapat sundin ng PLDT (Philippine Long Distance Telephone Co).
“So, una na ‘yung pagbabayad ng P51 milyon sa mga naging biktima ng labor-only contracting na pinakinabangan ng PLDT,” ani Tinio.
“Pangalawa, ‘yung pag-regular sa kanila hindi ‘yung pagpapanatili bilang agency.”
Sa panig ni ACT Teachers Rep. France Castro dapat aniya lagyan ng ngipin ang kautusan ni Secretary Silvestre Bello.
“Bola na ito ng gobyerno partikular ng DOLE, lagyan niya ng ngipin at pangil ‘yung kanyang kautusan para rito sa mga kompanya. Actually, hindi lang PLDT ‘yan,” ani Castro.
Napabalita na mahigit 7,000 empleyado ng PLDT ang tinanggal ng management.
Para kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, mabait pa ang mga empleyado ng PLDT.
“Kasalukuyang nag-camp out sila ngayon sa PLDT. Gusto nilang sabihin at ipaabot ngayon ang kanilang kalagayan. In fact, maganda pa ang sinasabi ng mga manggagawa na ilalaban nila ang regularisasyon,” ani Brosas.
(GERRY BALDO)