INIANUNSIYO ng Globe Telecom na isang taon na ang bisa ng lahat ng prepaid load nito epektibo nitong 5 Hulyo 2018.
“Effective July 5, 2018, all Globe prepaid load, including those with denominations below P300, will carry a one-year expiration period,” pahayag ng Globe.
Ayon sa Globe, dahil dito ay ganap na silang tumalima sa Memorandum Circular No. 05-12-2017 na magkakasamang ipinalabas ng National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT), at ng Department of Trade and Industry (DTI), na nagpapalawig sa bisa ng lahat ng prepaid load nang isang taon.
Ang kautusan sa one-year validity ng lahat ng prepaid load ng telecommunication companies ay nakatakdang ipatupad sa lahat ng prepaid load denominations simula noong 5 Enero 2018, ngunit humiling ang kompanya ng palugit, na pinagbigyan naman ng DICT.
Noong 6 Enero, sinimulan ng Globe ang pagpapatupad ng one-year expiration period para sa prepaid load na nagkakahalaga ng P300 at pataas.
”We are grateful to the NTC, DICT and DTI for giving us ample time to prepare for the smooth and seamless implementation of the extension of the expiration period across all denominations,” wika ni Globe Corporate Communications Head Yoly Crisanto.