BLANKO man sa unang limang salang, nagtapos pa rin nang makinang ang Batang Gilas matapos tambakan ang New Zealand, 73-51 upang maiuwi ang disenteng ika-13 puwesto sa katatapos na 2018 FIBA Under-17 World Cup sa Technological University Stadium sa Sta. Fe, Argentina.
Ginulantang ng RP youth team ang Oceania powerhouse na New Zealand sa unang half pa lang nang makapagtayo agad ng 35-24 abanse.
Hindi na nakabangon pa ang Tall Blacks mula sa pagkakaiwan nang rumatsada lalo sa second half ang Batang Gilas para sa ikalawang sunod nitong panalo.
Ranggong ika-34 sa mundo, magugunitang kagagaling ng Batang Gilas sa 70-69 tagumpay kontra ika-13 na Egypt upang makapuwersa ng labanan kontra New Zealand para sa 13th place.
Ang magilas na pagtatapos na ito ng koponan ay pambawi matapos silang mabokya sa unang limang laban.
Nawalis ang Batang Gilas sa Group D phase campaign nito kontra sa France, Argentina at Croatia. Yumukod din ang koponan sa Round of 16 kontra sa second-ranked Canada gayundin sa 9th-12th classification match kontra sa African U-16 Champion na Mali.
Bunsod nito, nakapuwesto nang mas mataas ang Batang Gilas sa mga mas matataas na ranggong koponan tulad ng New Zealand, China at Egypt na nagtapos sa ika-14, ika-15 at ika-16 na puwesto, ayon sa pagkakasunod.
Makikinitang malaking paghihiganti rin ito ng koponan matapos makalasap ng 60-76 kabiguan kontra sa New Zealand sa battle for third ng FIBA Asia U-16 Championship noong nakaraang taon sa Foshan, China.
Isa na sa pinakamagaling na sentro ngayon sa buong mundo, nangalabaw ng 22 puntos, 11 rebounds at 4 na tapal ang 7’1 Filipino teen sensation na si Kai Sotto upang pamunuan ang opensa ng Batang Gilas.
Bunsod nito ay nakapagtala si Sotto ng impresibong 16.4 puntos, 10.6 rebounds at 2.3 supalpal sa pitong salang para sa Batang Gilas.
Sa kabilang banda, nalustay naman ang 12 puntos at 11 rebounds ni Mitchell Dance para sa Tall Blacks.
Ito na ang pinakamataas na pagtatapos ng RP youth team sa world cup matapos magkasya sa ika-15 puwesto ang 2014 team nina Richard Escoto, Paul Desiderio at ng magkapatid na sina Matt at Mike Nieto.
Samantala, ang Filipino-American na si Jalen Green naman ang itinanghal na Most Valuable Player matapos buhatin ang USA sa 95-52 tagumpay kontra France para sa titulo ng 2018 FIBA U-17 World Cup.
Nagrehistro siya ng 15.7 puntos, 2.3 rebounds, 1.7 assists at 1.4 steals sa buong torneo.
ni John Bryan Ulanday