UNTI-UNTI nang nagkakaroon ng linaw ang Bangsamoro Basic Law, ngayon na pinaplantsa na ito sa Bicameral Conference. Ibig sabihin sa sandaling maipasa ito ng Bicam, iraratipika na ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso, at puwedeng-puwede nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte bilang ganap na batas.
Ang BBL ay pinaniniwalaang siyang tutuldok sa mga gulo o magbibigay ng kapayapaan sa buong Mindanao. Layunin nitong bigyan ng pagkakataon ang mga Muslim na pamunuan ang rehiyon, patakbuhin ang ekonomiya, politika ng mga taong taga-Mindanao.
Maganda ang layunin, at naniniwala at umaasa tayo na ang tunay na kapayapaan sa Mindanao ay matatamo sa sandaling ito’y maging ganap na batas at maipatupad.
Gayunman, ngayon pa lang ay meron nang nagdududa kung hanggang saan aabot ang panukalang ito, lalo siguro kung sa sandaling may makitang butas na maglalagay rito sa alanganin.
Naroon ang takot na baka makuwestiyon lang ito sa Korte Suprema dahil sa isyu ng Constitutionality, hanggang tumagal na naman ang debate at tuluyang mabalewala ang lahat.
Sana lang ay hindi humantong sa mas mahaba at mabigat na debate ang panukalang ito kung hindi, anong paraan pa kaya ang magagawa para makamtan ang tunay na kapayapaan sa Mindanao?