NAPANATILI ng bagyong Maria ang kanyang puwersa habang papasok sa bansa at nagbabanta nang malakas na buhos ng ulan, ayon sa ulat ng weather bureau, nitong Linggo.
Dakong 10:00 am kahapon, namataan ang bagyong Maria sa 1,820 kilometers east ng Northern Luzon, may lakas ng hangin hanggang 185 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 225 kph, ayon sa PAGASA.
Ang bagyo ay inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility ngayong Lunes ng umaga kung magpapatuloy sa pagkilos sa bilis na 15 kph, pahayag ni PAGASA meteorologist Aldczar Aurelio.
Sinasabing hindi maaaring tumama sa lupa ang bagyong Maria, ngunit palalakasin nito ang habagat o southwest monsoon, na magdudulot nang malakas na buhos ng ulan sa Luzon at Visayas, ayon kay Aurelio.
Ang habagat ay magdadala ng ocassional heavy rains na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Metro, Manila, Western Visayas, Mimaropa at mga lalawigan ng Bataan, Zambales, Batangas at Cavite, pahayag ng PAGASA.
Habang ang ibang bahagi ng bansa ay maaaring makaranas din ng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng localized thunderstorms, dagdag ng weather agency.