PINAG-IINGAT ng mga awtoridad ang publiko, partikular ang law students, laban sa mga scammer gamit ang internet kasunod nang pagkakadakip sa isang lalaki na umano’y nagbebenta ng bar review materials ng isang lehitimong review center sa Las Piñas City.
Inireklamo ni Attorney Hazel Riguera, pangulo ng Jurists Review Center Inc., na may tanggapan sa 2/F Azucena Arcade, Alabang-Zapote Road, Brgy. Pamplona ng nasabing lungsod, ang suspek na si Jake Bryson Dancel, nasa hustong edad, nakatira sa Sitio 3, Bgy. Buttong, Laoag City.
Nahaharap si Dancel sa mga kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175), Electronic Commerce Act (RA 8792) at Intellectual Property Code of the Philippines.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Special Action Unit at Investigation Service (InvS), na-access umano ni Dancel ang website ng Jurists Review Center Inc., ini-record at kinuha ang nilalaman ng nasabing website, at ibinenta sa publiko ang online bar examinations review materials sa halagang P2,500, nang walang pahintulot mula sa naturang review center.
Ginamit umano ni Dancel ang Facebook account name na “Res Nullius” para i-advertise ang pagbebenta ng review materials sa isang Facebook group na “Law Student Help Group Philippines” at ang umano’y pagbabayad ay ginagawa sa pamamagitan ng money courier (Palawan Express).
Dahil dito, nagkasa ng entrapment operation ang mga awtoridad laban kay Dancel. Isang agent ang bumili ng halagang P2,500 ng review materials sa suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya sa kanyang bahay sa Laoag City, kamakailan.
Kinompiska mula sa suspek ang dalawang Toshiba hard drive, isang set ng improvised computer, broadband at ang P2,500 marked money
(JAJA GARCIA)