IBABAHAGI ko sa inyo ang aking mga nasilip sa huling dalawang araw na pakarerang naganap sa pista ng Santa Ana Park, iyan ay upang makatulong sa inyong pag-aaral pagbalik ng takbuhan sa nasabing karerahan.
Pambungad na takbuhan nung Huwebes ay umentado ang itinakbo ng kabayong si Flash Dance at walang anuman na iniwan ang kanilang mga nakalaban na sina Oh Neng, Zapima, Oceanside, Heat Resistance, River Mist at Show Off. Naorasan siya ng 1:13.2 (25-22′-25′) sa distansiyang 1,200 meters sa kamay ng hineteng si Gilbert Mejico.
Napakaskas naman ang hineteng si Archie Manabat sa nagbabalik-pista na sakay niyang si Hard Work Classic sa kanilang laban kaya pagpasok sa huling diretsahan ay unti-unting naubos at kinapos kaya nametahan nung solong rumemateng dehado na si Expensive ni Oneal Cortez. Base sa analysis ay tila nanabik sa pista ang dala ni Archie kung kaya’t hindi na niya nakontrol ang ayre na ibinigay ni kabayo, dahil kung nagkataon ay baka mag-away pa silang dalawa at may iba pang maaaring mangyari. Kaya sa susunod nilang pagsali ay batid na ng koneksiyon ang gagawing diskarte.
Medyo hirap sa Race 3 ang kabayong si Benissimo nang may maagang bumubuliglig sa kanya sa unahan, ikanga ay hindi nakapag-relaks sa normal na ayre kaya wala nang idinadating sa rektahan. Nasubukan naman sa karerang iyan ang nagbabalik na si Let’s Dance Zumba, kaya talasan ang pakiramdam sa naturang kabayo. Ang isa sa mga naging piling paborito naman na si Swing Vote ay tila hindi na ginalawan pa.
Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang hineteng si Alwin Basilio na iuna ang dala niyang si Radian Talisman upang huwag nang makaporma pa ang kalaban nilang mahigpit na si Smart Tony na sakay ni Jeff Zarate, kaya naman sa puntong iyan ay dumiskarte na lamang si Zarate dahil kapag nagpumulit siyang humabol upang lumutsa ay baka hindi pa siya masegundo sa laban. Ang kalahok na sina Michika at Flintridge ay tila mga nag-aabang pa ng magaan na laban.
Sa ikalimang laban ay halos tinatangay ang hineteng si John Alvin Guce ng sakay niyang si Casino Royale dahil kumukusa ang nabanggit na kalahok habang higit na higit ni Alvin ang kanyang renda at napansin din ang mga hita niya na napapaunat sa pagkontrol na umalagwa nang husto sa unahan, kaya kahit ano pang pilit na habol ang ginawa kina Prodigy at Geneva ay hindi na nakalapit pa.
Malayong nagwagi sa laban si Toscana sa penultimate race dahil maganda rin ang itinakbo niya sa kamay ni Ryan Base, samantalang iyong semi-outstanding favorite na si Spicy Time ay maraming karerista ang nakapaglabas ng galit dahil sa nakitang klase ng pagdadala na ginawa sa ibabaw na kung ikukumpara sa mga naunang laban ay labas na labas talaga at hindi iyong kontrolado na halos pinahihinto na.
Sa huling takbuhan ay bumanderang tapos sa laban ang kalahok na si Bispag na gamay talaga ni Onald Baldonido, pumangalawa sa kanila ang bumenta ng biglaan na si Silvereye na dala ni Martin Cangas at pumangatlo naman ang nakikitaan na muli ng buti na si Sydney Boy ni Christian Pilapil. Manmanan sina Chole Girl sa susunod na pagsali, gayon din ang mga nakababa na ng grupo na sina Windy Star at Champs na maaari nang makapitas muli ng primero sa grupong kanilang bababaan. Bukas ay itutuloy natin ang mga nasilip naman nung araw ng Biyernes, kaya huwag bumitiw at ugaliing tumutok sa ating kolum.
REKTA
ni Fred L. Magno