PRENTE ang women’s national team sa pagkalos sa Cocolife Asset Managers, 25-13, 25-17, 25-11 sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa FilOil Flying V Centre, San Juan City.
Kahit kulang sa sandata ay tinapos ng Nationals sa tatlong sets ang Asset Managers.
Siyam na players lang ang naglaro, inangklahan ng magkapatid na Jaja Santiago at Dindin Manabat ang Nationals upang kalusin ang Asset Managers sa loob lang ng 71 minuto.
Bumira si Santiago ng 17 points, kasama ang 13 kills at apat na service aces habang nagtala ang ate nitong si Dindin ng 12 hits para sa Pilipinas na nilista ang 1-0 card.
No-bearing ang lahat ng talong laro ng national team sa event na suportado ng Isuzu, UCPB Gen at SOGO Hotel kasama ang ESPN5, Hyper HD at Aksyon TV bilang broadcast partners.
Tumikada rin si setter Kim Fajardo ng 29 excellent sets habang nirehistro ni Mylene Paat ang pitong puntos at 13 digs.
“We’re still adjusting and we missed a lot of key players but the important thing all the players delivered for us,” saad ni national head coach Shaq Delos Santos. “Even it was a game without any bearing, we’re still thankful that we won our first game.”
Bumakas si skipper Aby Maraño ng six markers at limang service aces para sa Nationals.
Wala sa Asset Managers spikers ang nakaabot ng double figure scores, tumipa si Justine Tiu at Jela Peña ng tig-anim na puntos. (ARABELA PRINCESS DAWA)