INAPROBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1 provisional fare hike sa pampasaherong jeep.
“The board in its regular meeting approved tonight a provisional fare increase of P1 for the first 4 kilometers for PUJ (public utility jeepneys) plying [the] NCR (National Capital Region), Region 3, and Region 4 routes,” pahayag ni LTFRB board member Atty. Aileen Lizada nitong Miyerkoles via Viber.
Gayonman, sinabi ni Lizada, wala pang inilalabas na order hinggil sa dagdag pasahe kaya hindi pa maaaring mangolekta ang jeepney drivers para sa P9 pasahe sa mga pasahero para sa unang apat na kilometro.
Mula P8, P9 na ang bayad sa unang apat na kilometro sa mga pampublikong jeep na bumibiyahe sa mga rehiyon ng National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.
Nauna nang humiling ng pansamantalang dagdag pasahe ang mga transport group habang hindi pa nadedesisyonan ng LTFRB ang fare hike petition na nauna nilang ihinain.
Kasama sa mga grupong humirit ng provisional fare increase o pansamantalang dagdag-pasahe ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (Altodap), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap), Land Transportation Organization of the Philippines (LTOP), at Pasang Masda.
Dininig ngunit hindi pa nadesisyonan ng LTFRB nitong Martes ang naunang petisyong ihinain ng mga grupo noong Setyembre.
Layon ng naunang petisyon na dagdagan ng P2 ang base fare sa pampasaherong jeep.