BINAWIAN ng buhay si Mayor Ferdinand Bote ng bayan ng General Tinio, Nueva Ecija makaraan pagbabarilin nitong Martes, ayon sa ulat ng pulisya.
Ang insidente ay naganap isang araw makaraan barilin at mapatay si Tanauan City Mayor Antonio Halili habang nasa flag ceremony sa Batangas nitong Lunes.
Sinabi ni Philippine National Police chief, Director Oscar Albayalde, ang alkalde ay pinagbabaril ng hindi kilalang mga suspek na lulan ng motorsiklo habang lulan ng kanyang sasakyan mula sa National Irrigation Administration office sa Cabanatuan City.
Sinabi ni NIA-Cabanatuan manager Rose Bote (hindi kaanak ng alkalde), ang opisyal ay palabas ng kanilang opisina lulan ng kanyang sasakyan dakong 4:30 pm nang pagbabarilin ng mga suspek.
“May CCTV po kami sa gate, nakita po namin ‘yun, noong ini-review po ‘yung CCTV, noong palabas na po siya sa highway. Nakasakay po siya sa sasakyan,” ayon kay Rose Bote.
“Papaliko na po siya sa highway, mayroon pong isang naka-black na mama na tumutok po doon sa sasakyan niya. ‘Yun pong sa CCTV nakatayo po e, wala po sa sasakyan.”
Ayon kay Rose Bote, ang driver ng alkalde, na hindi tinamaan sa insidente, ay isinugod ang opisyal sa hindi kalayaang Cabanatuan City Hospital ngunit hindi umabot nang buhay.
HATAW News Team