BINAWIAN ng buhay si Tanauan Mayor Antonio Halili ng Batangas, kilalang nagpapagawa ng “walk of shame” sa mga suspek ng krimen makaraan barilin habang may flag ceremony, nitong Lunes.
Si Halili, iba pang city halls officials at mga empleyado ay umaawit ng pambansang awit sa Tanauan city hall nang makarinig ng isang putok ng baril na ikinataranta ng mga tao, ayon sa ipinakitang video ng local information office.
Ayon sa pulisya, binaril ng hindi kilalang gunman si Halili sa dibdib. Ang alkalde ay idineklarang dead on arrival sa CP Reyes Medical Center, ayon kay Calabarzon police director, C/Supt. Edward Carranza.
Ang gunman ay maaaring nakaposisyon sa damuhan, 150 ang layo mula sa city hall, ayon kay Carranza.
Agad kinordon ng pulisya ang lahat ng exit points sa village at nagbuo ng special investigative task group para tugisin ang suspek.
Naging laman ng mga pahayagan si Halili noong 2016 dahil sa pagpaparada sa drug suspects sa publiko.
Gayonman, maging siya ay kabilang sa listahan ng high-value drug targets ng pulisya at naging puntirya ng “Oplan Tokhang.”
Itinanggi ni Halili ang alegasyong sangkot siya sa ilegal na droga.
Noong 2017, nawala ang superbisyon niya sa pulisya, kabilang ang ilang opisyal na inakusahan ng pagkakasangkot sa narcotics trade.