PINILI ni Vice President Leni Robredo na makisalamuha sa iba’t ibang komunidad na nangangailangan sa Basilan at Zamboanga bilang pagdiriwang ng kanyang ikalawang anibersaryo bilang pangalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, ito ay patuloy na pagtupad sa pangako niya na alamin at subukang tugunan ang pangangailangan ng mga nasa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na komunidad sa bansa.
Nitong Biyernes, 29 Hunyo – isang araw bago ang anibersaryo ng kaniyang inagurasyon—binisita ni Robredo ang Sumisip at Lamitan City sa Basilan, dalawa sa mga lugar na sakop ng Angat Buhay anti-poverty program ng kaniyang opisina.
Sa Sumisip, nakilala ng Bise Presidente ang mga out-of-school youth na tutulungan ng kaniyang opisina para makabalik sa pag-aaral at makahanap ng trabaho, sa pakikiisa ng Dualtech Training Center Foundation.
Sa Lamitan naman, dinalaw ni Robredo ang Yakan Tribe, na siyang nagpapatuloy ng “Tennun weaving.”
Dito, nakita ng Pangalawang Pangulo ang pangangailangan nila para sa isang weaving center, gayondin ang pagkakataon na direktang maibenta ang kanilang mga produkto sa mas mataas na halaga.
Bago nito, nagtungo si Robredo sa Zamboanga City, para makasalamuha ang mga miyembro ng Yakan Tribe na lumikas doon sa gitna ng kaguluhan.
Nakadalaw din siya sa cannery ng Mega Global MFC, ang producer ng Mega Sardines, na inaasahang maging kabahagi ng Angat Buhay.
Nabigyan din siya ng pagkakataon na makipag-usap sa ilan sa mga factory workers, vessel crew, at kanilang mga asawa, ibinahagi nila ang kanilang saloobin kaugnay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang mga pagbisitang ito ay bahagi ng programang Angat Buhay ng Office of the Vice President, na inilalapit ng tanggapan ang mahihirap ng komunidad sa mga nais magbigay ng tulong.
Sa kasalukuyan, tumutulong ito sa 176 komunidad sa bansa, at nakapagbigay nang higit sa P214-milyong halaga ng tulong para sa 132,018 pamilya.
HATAW News Team