INIHARAP ng alkalde ng Cotabato City sa Facebook Live ang mga suspek sa snatching at sinabing nagbebenta ng mga nakaw na gamit.
Ayon sa ulat, makikita ang video habang ipinakikilala ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi, ang mga nasakote ng mga awtoridad sa kampanya kontra-snatcher na sinimulan nitong Lunes.
Sa video, makikita pang pinagha-hi ng alkalde ang isang suspek na nakaposas.
“Gusto ko sanang ipakilala sa inyo ang isa pang snatcher sa Cotabato e, ito na. Pakilala ka, mag-hi ka sa kanila. Sabihin mo, kumusta ‘yung mga inisnatch-an ko?” utos ni Sayadi sa suspek.
Bukod sa snatcher, kasama ring iprinisenta ng alkalde sa kaniyang FB live ang mga arestadong nagbebenta umano ng mga ninakaw na gamit.
Sa video, nagbabala ang alkalde sa mga snatcher sa kanilang lugar na itigil na ang masamang gawain.
“I don’t really like to say bad words in public pero may kalalagyan kayo,” banta niya.
Sa kabuuan, apat na mandurukot umano ang inaresto at tatlo ang nagbebenta ng nakaw.
Hindi nasiyahan ang Commission on Human Rights sa ginawa ng alkalde kaya pinayohan ang lokal na opisyal na alisin ang naturang video post para hindi maharap sa kaso.
Iginiit ng CHR na dapat isaalang-alang ang due process at “presumption of innocence” ng mga suspek kaya hindi dapat basta ipresenta sa media o publiko.
“Hindi tama na ipinipresenta ang suspects, whether in media or other form, kahit maganda ang intensiyon ng mayor,” ani Atty. Jacqueline de Guia, spokesperson ng CHR.
Kamakailan ay iniuto ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde sa pulisya na itigil ang pagpiresenta sa publiko ng arestadong mga suspek bilang pagrespeto sa “rule of law” at sa kanilang karapatang pantao.
Gayonman, naniniwala si Sayadi na wala siyang nilalabag na batas at dapat din umanong ikonsidera ang dami ng mga nabiktima ng mga kriminal sa kanilang lungsod.
Matatandaan, naging kontrobersiyal noon si Tanauan City Mayor Antonio Halili ng lalawigan ng Batangas, dahil sa kaniyang shame campaign sa pagpaparada ng mga nadadakip na umano’y pusher at mga mandurukot sa kanilang lugar.