DAHIL sa kasikipan ng city jails, ang mga preso ay nahihirapang huminga at dinadapuan ng skin infections.
Sa first half ng 2018, kabuuang 20 preso ang namatay sa loob ng Manila Police jails, kabilang dito ang 13 na binawian ng buhay sa Station 3 sa Quiapo, Maynila.
Ang karaniwang sanhi ng pagkamatay ay nahihirapang huminga at impeksiyon.
Sa kasalukuyan, mayroong 173 inmates na nakapiit sa selda ng Station 3, na may kapasidad para sa 60 indibiduwal.
Bunsod ng kasikipan, ang matatandang presong may sakit at mahihina ay pinoposasan sa labas ng selda.
Sinabi ni Supt. Julius Ceasar Domingo, Station Commander MPD Station 3, ilang preso ay nagkaroon ng blood infection dahil sa kanilang sugat.
“Minsan ‘pag may mga sugat nagkakaroon ng impeksiyon sa dugo kaya kahit itinakbo mo na ‘yan sa ospital infected ‘yung dugo nila,” aniya.
Ayon sa ulat, ang mga preso ay nagkakaroon ng skin disease, gaya ng pigsa.