PATAY ang isang hostage taker makaraan barilin ng nagrespondeng mga pulis makaraan pagsasaksakin ang tatlong miyembro ng kanyang pamilya sa Parañaque City, kahapon ng hapon.
Isinugod sa Parañaque Community Hospital ang tatlong biktima na sina Roma Tubania, live-in-partner ng suspek; Rose Ann Dela Cruz, hipag, at Jerwin Ursal, 16, pamangkin, nilalapatan ng lunas sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Habang dinala sa Ospital ng Parañaque ang hostage taker na kinilalang si Celso Hernandez, na tinamaan ng bala sa bahaging kanan ng mukha ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Samantala, nasagip nang nagrespondeng mga operatiba ng Police Community Precinct 4 (PCP-4) ang dalawang menor de edad na sina Kate Russell, isang taon gulang; at Ody Tubania, 3-anyos, mga anak ng suspek.
Ayon kay S/Insp. Jerry Sunga, nangyari ang hostage drama sa Lim Compound, Brgy. San Dionisio, Parañaque City dakong 4:30 ng hapon.
Nauna rito, nakatanggap ng tawag ang PCP-4 mula sa Barangay Hall ng San Dionisio na may nagaganap na kaguluhan sa loob ng Lim compound, sinasabing ini-hostage ng isang lalaki ang kanyang pamilya.
Dali-daling nagresponde ang mga tauhan ng PCP-4 at Special Weapon and Tactics (SWAT) ng Parañaque City Police sa nasabing lugar.
Nadatnan nilang duguan na ang kinakasama ng suspek na si Roma, ang kapatid na si Rose Ann, at ang pamangkin na si Jerwin, pawang may mga saksak kanilang katawan.
Nakipagnegosasyon ang mga awtoridad sa suspek ngunit binabalewala niya.
Aktong sasaksakin din ng suspek ang dalawa niyang anak na menor de edad kaya pinaputukan siya ng mga miyembro ng SWAT.
Nailigtas ng mga pulis ang dalawang bata at dinala sa nasabing pagamutan.
Inaalam ng mga awtoridad ang motibo kung bakit ini-hostage ng suspek ang kanyang pamilya at kung nasa impluwensiya siya ng ilegal na droga nang mangyari ang insidente.
ni JAJA GARCIA