ISASAMA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalong sangkot sa misencounter kamakalawa, sa burol ng napatay na mga pulis sa Sta. Rita, Samar.
Sa kanyang talumpati kahapon sa Zamboanga, inihayag ng Pangulo na hindi sinasadya ang insidente at walang may kagustuhan na mangyari.
“Kita mo ‘yung kahapon, ‘yung misencounter, nobody wants it. Actually what happens there is the Murphy’s Law, if anything can go wrong, it will go wrong just like the misencounter,” aniya.
Kakausapin ng Pangulo ang mga sundalong sangkot sa misencounter para sumama sa kanyang pagbisita sa mga napatay at nasugatang mga pulis upang maipakita ang “camarederie.”
Napaslang sa misencounter ang anim na pulis nang tambangan ng mga miyembro ng 87th Infantry Battalion ang 1st Platoon, 805th Company, Regional Mobile Force Battalion 8, dakong 9:20 ng umaga sa Sitio Lonoy, Brgy. San Roque, Sta. Rita, Samar kamakalawa.
Napaghinalaan umano ng mga sundalo na mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang mga pulis kaya pinaputukan.
(ROSE NOVENARIO)