MARAMING mga kapatid nating Muslim ang sobra ang galak nang malamang ang hinahangaan nilang aktor na si Piolo Pascual ay kasama nila sa pag-obserba ng fasting nitong nakaraang Ramadan na katatapos lamang noong Biyernes, June 15. Maraming mga kapatid ang minahal siyang lalo dahil ginagawa rin nito ang mga ritwal, isa na rito ang fasting.
Isang linggo bago nagwakas ang Ramadan ay may nagtanong sa amin kung saan ipagdiriwang ng aktor ang huling araw ng Ramadan, sa Golden Mosque ba sa Quiapo o sa Grand Stand sa Luneta?
Wala kaming naisagot dahil ‘yung post namin sa social media para imbitahin ang aktor sa nasabing okasyon at mag-donate ito ng pagkain para sa mga nagbe-break ng fasting ay wala kaming sagot na natanggap.
Alam naman namin kung gaano kaabala ang aktor sa kanyang mga ibang gawain. Kaya, ‘yun lamang ang naisagot namin.
Sa puntong ito, napa-isip kami na sana hindi na lang nagparamdam si Piolo sa mga Muslim na mag-oobserba rin ito ng Ramadan dahil gusto nitong maramdaman ang pagdaraanan ng mga ito sa buwan ng Ramadan.
Naisip din namin na kaysa ginawa nitong pag-fasting na obligadong tapusin dapat ay nagtanong-tanong na lang dahil marami rin naman siyang matututuhan.
Sa pagpapakita lamang ng aktor sa simula ng Ramadan, hindi nito masisisi ang mga Muslim kung may mag-isip na ginagamit lang ba ang Ramadan dahil sa gagawing pelikula na may kinalaman sa Marawi. Siguradong may mga magtatampo at baka hindi pa suportahan ang gagawing pelikula. Sa puntong ito, naisip namin na kung isasalarawan lamang ng aktor ang tamang kuwento at maayos ang pagsalin sa pelikula, nakatitiyak na susuportahan ito ng mga Muslim lalo na ang mga tagahanga niya.
Massalam!
STARNEWS UPLOAD
ni Alex Datu