PAIIIMBESTIGAHAN ng Bayan Muna party-list ang malawakang pagdakip ng pulisya sa mga ‘tambay’ maging ang pagkamatay ng isang inaresto sa kustodiya ng Novaliches Police Station 4.
Kinondena nina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Party chairman Neri Colmenares ang pagkamatay ni Genesis Argoncillo alyas Tisoy, na dinakip ng mga pulis-Quezon City noong Biyernes ngunit makalipas ang apat na araw ay idineklarang dead on arrival sa Novaliches District Hospital.
“He certainly does not deserve to be arrested or killed for sitting near his house,” ani Zarate.
Si Tisoy ay inaresto ng mga pulis dahil umano sa pagwawala.
Ngunit ayon sa may-ari ng sari-sari store kung saan siya dinakip, nagpa-load si Tisoy at hinihintay na pumasok ang load sa kanyang cellphone nang biglang dumating ang mga pulis , ipinahawak sa kanya ang mga bote ng beer, kinuhaan ng retrato at ginamit na ebidensiya laban sa kanya.
Ayon sa mga kaanak ni Tisoy, bugbog-sarado at namamaga ang katawan niya nang makita ang bangkay sa ospital.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque, personal niyang kakausapin si PNP chief, Director General Oscar Albayalde para tutukan ang kaso ni Tisoy gaya nang nangyari sa kaso ng pagpatay kay Fr. Richmond Nilo sa Nueva Ecija.
Sa ulat ng Quezon City Police District sa Malacañang, aalamin ang puno’t dulo ng insidente, magsasagawa ng awtopsiya sa bangkay ni Tisoy at kapag napatunayan na pinatay siya sa bugbog, parurusahan ang mga pulis na mapatutunayang sangkot.
“To get to the bottom of the matter, and render justice where it is due, we are conducting a thorough investigation, including an autopsy if the Argoncillo family allows it, to determine the real cause of death. Should violence be established as the cause of death, we will investigate everyone involved, including the police officers on duty, until the truth comes out, and then prosecute the guilty to the full extent of the law. Should any police be involved, we assure the public and the family of the deceased of full transparency,” sabi sa report ng QCPD.
(ROSE NOVENARIO)