MINALIIT ng Palasyo ang pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na malaking hamon sa kanila ang magturo ng “good manners and right conduct” sa mga mag-aaral dahil napapanood si Pangulong Rodrigo Duterte na gumagamit ng masasamang salita sa kanyang mga talumpati.
Para kay Presidential Spokesperson Harry Roque, trabaho ng mga magulang ang magturo ng kagandahang asal sa kanilang mga anak at hindi dapat iasa sa mga guro.
“Well, hindi naman po natin sinasabi iyon, pero nandiyan po ang mga magulang. So tingin ko po ang mga magulang talaga ang dapat na nagtuturo ng tamang conduct. Ako po pagdating sa pagpapalaki ng mga anak ko, wala po akong inaasahan sa mga guro, ako po mismo ang nagbibigay ng values formation diyan,” sagot ni Roque nang tanungin kung okay lang sa kaniya na gayahin ng mga bata ang pagsasalita ng Pangulo.
Ani Roque, hindi niya alam kung gumagamit nga ng mga salitang tumutukoy sa “killing, misogyny and vulgarity” ang Pangulo at hindi rin niya batid kung paglabag ito sa kagandahang asal.
“Hindi ko po alam kasi mukhang tanggap naman ng taong bayan iyan ‘no. So kung iyan po ay labag sa —ewan ko ba iyon, iyong sabi nila good conduct, e iyan po ang hatol ng taong bayan sa kaniya,” tugon ni Roque nang usisain kung naniniwala siyang gumagamit ng masasamang kataga ang Pangulo.
Giit ni Roque, tinanggap ng publiko ang pagkatao ng Pangulo at ibinoto siya kahit sinabi na hindi na mababago ang klase ng kanyang pananalita.
“Pero ang Presidente po hindi nag-plastic, tumakbo po siya ganiyan na siya at sinabi pa niya, ‘Huwag ninyo akong asahang magbago.’ So tingin ko po alam naman ng lipunan kung sino ang inihalal nilang Presidente. So tanggap po nila ang Presidente for who he is,” aniya.
Binigyan diin ni Roque, maka-kaliwa ang ACT at ang opinyon ng mga gurong kasapi nito’y hindi pananaw ng karamihan ng mga titser.
Naging pangkaraniwan sa mga talumpati ng Pangulo ang pagmumura, mga katagang tumutukoy sa pagpatay at ginagawang biro ang kababaihan.
ni ROSE NOVENARIO