DAPAT ipakain sa mga gutom na Filipino si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.
Ito ang buwelta ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa pahayag ni Lopez sa Palasyo kahapon na hindi dapat bigyan ng umento sa sahod ang mga manggagawa sa kabila nang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ni Allan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, kakarampot ang sahod ng mga obrero at hindi makaagapay sa pagtaas ng cost of living kaya’t lulubog nang husto sa kumunoy ng kahirapan ang kanilang mga pamilya kapag hindi dinagdagan ang kanilang suweldo.
Binigyan diin niya, nakalimutan ni Lopez na ang kanyang paglilingkod sa gobyerno ay upang tiyakin ang kapakanan ng mga mamamayan at hindi upang bigyan proteksiyon ang mga kapitalista at employers.
“Mr. Lopez has forgotten that he is working in government to benefit and ensure welfare of the people and protect not just the interest of capitalists and employers,” sabi ni Tanjusay.
Giit ni Tanjusay, kapag naging malawak ang kahirapan sa bansa, si Lopez ang dapat unang ipakain sa mga nagugutom.
Sa isang opisyal ng gobyerno na tulad ni Lopez, aniya, magiging mas malala ang kahirapan.
“When poverty will become massive, there will be anarchy and chaos in the country and Mr. Lopez should be the first to be fed to the hungry. With a public official like Mr. Lopez in government, there will widespread poverty and massive poverty,” ani Tanjusay.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, inihayag ni Lopez na mapanganib ang pagkakaloob ng umento sa sahod sa mga obrero dahil magreresulta ito nang paglobo ng presyo ng bilihin at malawakang tanggalan sa trabaho sa hanay ng mga manggagawa.
Para kay Lopez, sapat na ang income tax cut sa mga obrerong sumusuweldo ng P25,000 pababa kada buwan kaya hindi na kailangan ayudahan ng gobyerno ang mga manggagawa.
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, dinoble ang sahod ng ilang kawani sa sektor publiko gaya ng mga pulis at sundalo at mayroong commissary na puwede silang bumili ng grocery items sa mas mababang halaga at libre ang pasahe sa MRT at LRT.
(ROSE NOVENARIO)