“FOR whom the bell tolls, it tolls for thee…”
Bahagi ito ng sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte nang sa gitna ng kanyang pagbatikos sa mga pari ng Simbahang Katolika sa kanyang talumpati sa Iloilo City, tumunog ang kampana bilang hudyat ng Angelus.
Bago tumunog ang kampana, mistulang binibigyan katuwiran ni Duterte ang pagpatay sa isang pari kamakailan na umano’y dahil sa pakikipagrelasyon sa iba’t ibang babae.
“Nandito sa akin ‘yung mga papel. Pero ‘yung — ang pari na binaril, siya ‘yung mag-blowout ng baptism ng kanyang anak. Siya mag-baptize, siya rin ang mag-blow out sa… Ako I do not want it. But if the Catholic Church would… Pati ‘yung unang namatay. Magkabit ka ng pulis, magkabit ka ng asawa ng vice mayor, e magkabit ka ng mga negosyanteng may pera, mamamatay ka talaga,” ani Duterte.
Apatnapu’t anim na segundong tumigil sa pagsasalita si Duterte, yumuko at nagdasal habang tumutunog ang kampana ang Simbahan.
“You know I have my duty. I am a Christian, I believe in God. I respect the tolling of the bells. For whom the bell tolls, it tolls for thee… nakalimutan ko kung sino ‘yang, tolling of bells , para sa iyo ‘yan,” anang Pangulo matapos umusal ng dasal.
Ang tinutukoy ni Duterte ay halaw sa tula na ginamit sa meditasyon ni John Donne, “for whom the bell tolls; it tolls for thee” na ang ibig sabihin ay ano mang pagpatay sa tao ay kabawasan sa kapwa dahil lahat tayo’y bahagi ng sangkatauhan.
“Any man’s death diminishes me, because I am involved in mankind; and therefore never send to know for whom the bell tolls; it tolls for thee,” ani Donne.
Ang aklat naman na may titulong, “For Whom the Bell Tolls” na akda ni Ernest Hemingway ay naglarawan ng karahasan noong digmaang sibil sa Espanya batay sa karanasan ni Robert Jordan, isang Amerikanong sundalo.
Iginiit ng pangulo, wala siyang polisiya na galit sa mga pari.
Katunayan sinabi ng pangulo na kanyang inirerespeto ang Simbahang Katolika.
Apela ng pangulo sa mga obispo, itigil na ang pag- uugnay sa gobyerno sa pagpatay sa mga pari.
Aniya, hindi niya kayang pumatay ng mga pari, bata at babae.
Pero ang matatanda at ang mga drug lord, with pleasure pa ang kanyang pagpatay lalo na ang mga bigtime drug lord.
Ngunit kapag nagpatuloy umano ang mga pari sa pagbatikos, kanyang isisiwalat sa publiko ang kanyang mga nalalaman sa pagpatay sa mga pari at tiyak na hindi ito magugustuhan ng Simbahang Katolika.
Sa ginanap na Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) General Membership Meeting kamakalawa ng gabi, sinabi ni Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go na labis din ang pagkabahala ni Pangulong Duterte sa magkakasunod na pagpaslang sa tatlong pari kamakailan.
Ani Go, handa si Pangulong Duterte na magbigay ng proteksiyon sa mga pari sa pamamagitan ng PNP kung kinakailangan.
Sabi ni Go, “kaya minsan kritikal si Pangulong Duterte sa mga pari ay dahil ayaw niyang pinapangunahan o pinapakialaman siya ng mga alagad ng Simbahan sa kanyang trabaho bilang pangulo ng bansa.”
(ROSE NOVENARIO)