DALAWANG kongresista mula Mindanao ang umaasa na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ang magiging susi sa kapayapaan sa Mindanao.
Ang BBL umano ay isa ring magandang template para sa napipintong “federal states” ayon sa dalawa.
Sinabi ni Anak Mindanao Party-List Rep. Amihilda Sangcopan at Iligan City lone district Rep. Frederick Siao, umaasa sila na ang BBL ang magiging paraan para magbago ang sitwasyon sa Katimugan ng Bansa.
“Baka nga po kung ano ‘yung BBL, piwede nang maging template for federalism,” ani Sangcopan, isa sa mga vice chairman ng House Peace, Reconciliation and Unity Committee.
Pinabulaanan ni Sangcopan ang mga tsismis na ang BBL ay magiging hadlang sa pag-usad ng federalismo.
“Hindi po natin tinitingnan na ganoon,” ani Sangcopan.
“Hindi naman natin sinasabi na ‘yung kabuuan ng BBL ay ‘yun ang magiging template. What I’m saying is, posible na masundan sa pagbubuo ng federalism,” paliwanag niya.
Ang BBL ay enabling law ng 2014 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ginawa ito para palitan ang kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
“The [BBL] is a Congress priority because we want to prove to our brother Filipino Muslims that they matter to us and to the entire country. The ARMM was inadequate to address many of the core issues, so we have the BBL,” sabi ni Siao, isa sa mga vice chairman ng Committee on Tourism.
ni Gerry Baldo