NADAMA at naramdaman kaagad ng mga Manilenyo ang malaking pagbabago sa kalakaran ng hanay ng pulisya sa liderato ng bagong upong District Director ng Manila Police District (MPD) na si Gen. Rolando Anduyan.
Sa loob ng dalawang linggong pagkakaupo ni Gen. Anduyan, marami ang nagsasabing ngayon lang nila naramdaman ang presensiya ng mga pulis na nakatalaga sa MPD.
Police visibility ang number one nilang napansin sa pamumuno ni Director. Ronda ng mga mobile car sa loob ng 24 oras araw at gabi partikular ang mga unipormadong pulis o mga foot patrol sa lahat ng lansangan.
Lahat ng estasyon ng LRT na nasasakupan ng Maynila ay guwardiyado ng mga pulis mula entrance hanggang exit ng nasabing establisimiyento. Maging ang mga traffic police ay makikita sa lahat ng major thoroughfare at mga busy intersection.
Gumagalaw-galaw na ang lahat na dating hindi mo nakikita. Tila naging agresibo at pursigido ang lahat sa kanilang dapat gampanan bilang mga pulis.
Dati-rati’y walang nagdidirekta ng traffic kundi mga tauhan ng MTPB kompara ngayon na mismong mga traffic police ang kumukumpas at nagsasayaw sa pagdidirekta ng traffic.
Maging sa mga city ordinance, mula sa drinking in public place hanggang sa half-naked ay estriktong ipinapatupad ng station commander ng bawat presinto sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Si DD Gen. Anduyan na tinaguriang magiting na mandirigma mula sa Marawi City ay umaani ngayon ng mga papuri sa publiko at madlang people dahil sa kanyang aksiyon at gawa.
Marami ang umaasa na sana’y mapanatili niya ang ganitong kalakaran sa hanay ng pulisya sa MPD hanggang sa huli ng kanyang liderato.
Kudos Gen. Anduyan!
MANILA STINKS
DAHIL SA TAMBAK
NG MGA BASURA
MANILA stinks, bumabaho na ang prime city ng Filipinas dahil sa tambak ng mga gabundok na basura na itinatapon kung saan-saan sa buong Lungsod.
Tila imbalido at walang silbi ang departamento ng DPS na responsable sa usapang ito. Mukhang symbolic figure lang ang mga namumuno at mga tauhan ng nasabing departamento.
Pero huwag ka dahil masisipag sila pag-dating sa gibaan ng illegal stalls at kolekta sa mga vendor. Paborito nilang trabaho ang mga illegal obstruction partikular sa mga palengke, tiangge at matataong lugar lalo sa Divisoria at Blumentritt.
Kapag basura ang pinag-usapan, dedma. bakit kamo? Wala kasing pera at baka mag-abono pa raw sila he he he.
Alam kaya ni Pangulong Mayor Erap Estrada ito. Alam kaya niya na namamaho na ang Lungsod ng Maynila na pilit niyang pinagaganda at ibina-bangon?
Nakita na kaya niya ang mga tambak ng mga gabundok na basura sa halos lahat ng kanto ng mga kalsada at lansangan lalo sa Tondo at Sampaloc? Sa kahabaan ng Taft Avenue at Rizal Avenue ay tambak din ang basura… doon mismo sa center island. Diyos mio…kadiri.
Mayor nakahihiya naman yata iyon dahil sa buong mundo ay mas kilala ang Maynila kaysa Filipinas. Aksiyonan naman po dahil bumabaho na po ang Maynila na nagrerepresenta ng Filipinas.
Batay sa impormasyon ay hindi naman dating nangyayari ito na naiimbak ang tambak ng basura sa iba’t ibang lugar. Alam po ba ninyo ang sanhi at dahilan nito?
Ganito raw po mahal na Alkalde, dati-rati daw ay dalawang beses kung dumaan ang mga truck ng basura upang mahakot ito. Isa raw truck sa umaga at mayroon din sa gabi at kung minsan nga raw ay sa madaling-araw.
Pero sa ngayon ay inaabot nang dalawa hanggang tatlong araw bago dumaan ang truck ng basura. Matik po na babaho at lalangawin ang mga basura na pwede pong pagmulan ng sakit at iba pang karamdaman.
Anyare Mayor? Nakararating ba sa inyo ang problemeng ito? Paki-aksiyonan naman po dahil mabigat po ang idinadaing ng constituents ang probleme sa basura.
May function pa po ba ang DPS o inutil na po?
I-abolish n’yo na lang po at palitan ng isang departamento na magiging epektibo.
Puwede po ba, Mayor?!
YANIG
ni Bong Ramos