NAGA CITY – Kabilang ang isang pari mula sa Archdiocese of Caceres, sa mga iniimbestigahan ng pulisya kaugnay sa pagpaslang sa isang babae noong nakaraang linggo.
Pirmado ni Fr. Darius Romualdo ang inilabas na pahayag ng simbahan tungkol sa pagkamatay ni Jeraldyn Rapiñan.
Nakikiramay ang simbahan sa pamilya ng biktima at nagsasagawa ng sariling imbestigasyon.
Noong nakaraang Biyernes, natagpuan ang bangkay ni Rapiñan sa San Fernando, Camarines Sur. Nakaposas at nakagapos ang biktima at tila itinapon sa tabi ng kalsada.
Sa follow-up operation ng San Fernando Police, lumalabas na isang pari ang posibleng may kinalaman sa insidente.
May limang-buwang anak ang biktima na sinasabing ang mismong pari ang ama.
Ikinabigla ito ng simbahan ngunit ang pamilya ng biktima, wala pang lakas loob na isapubliko ang pangalan ng nasabing pari.
Nagtutulungan ang Provincial Police Office at ang binuong task force para sa agarang pagkalutas ng kaso.
Iniipon ngayon ang mga kopya ng CCTV footage at iba pang ebidensiya na makatutulong sa pagtukoy sa sangkot sa krimen.
Habang siniguro ng pamunuan ng Archdiocese of Caceres na suspensiyon o tuluyang pagtanggal sa Simbahang Katolika ang haharapin ng nasabing pari kung mapatunayang nagkasala.