PALAWAN – Nagsimula na ang puwersahang demolisyon sa natitirang 27 establisiyemento sa bayan ng El Nido na nabigyan ng “notice to vacate” makaraan pumasok sa 3-meter easement zone.
Unang giniba ng Task Force El Nido ang mga estruktura sa Brgy. Masagana. Giniba ang mga sea wall, pader at bahagi ng gusali.
Nagsimula na rin mag self-demolish ang ilang negosyanteng nahainan ng notice for demolition nitong nakaraang linggo.
“Nag-unti-unti na kaming maggiba kasi kailangan nang sumunod. Para naman ito sa negosyo as well as sa kalikasan,” ayon sa business owner na si Danilo Dangan.
Pabor ang ilang travel and tour operator sa El Nido sa ginagawang demolisyon. Ramdam na umano ang pagsikip sa Bacuit Bay dahil sa estrukturang halos umabot na sa dagat.
Aminado ang demolition team na kulang ang kanilang kagamitan para sa demolisyon. Dahil dito, posibleng magtagal umano nang mahigit dalawang linggo ang demolisyon.
“Ang timeline namin dito is 15 days, pero we will seek for additional equipment para gamitin dito sa demolisyon. Marami kaming tao pero kulang sa gamit and wala na ring kaming ibibigay na anomang palugit sa kanila,” pahayag ni Mayor Nieves Rosento.
Dagdag ng local government unit, sisiguruhin nilang lahat ng mga business establishment ay susunod sa itinakda ng batas, kabilang ang pagsunod sa easement zone.
Sakaling matapos na ang demolisyon sa Brgy. Masagana hanggang Buena Suerte, ay agad isusunod na gibain ang mga estruktura sa Brgy. Corong Corong.