PINAGTIBAY ng Supreme Court ang pagsibak kay Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado makaraan ibasura ang kaniyang motion for reconsideration (MR) laban sa desisyon ng en banc sa quo warranto petition.
Ayon sa mga source, walong mahistrado ang nagbasura sa MR ni Sereno habang anim lang ang nagsabing dapat itong pagbigyan.
Dagdag ng mga source, ibinasura ang MR sa kadahilanang wala itong sapat na merito.
Matatandaan, pinatalsik si Sereno bilang chief justice noong 11 Mayo.
Bunsod ito ng kasong isinampa ng Office of the Solicitor General (OSG) na kumukuwestiyon sa kaniyang integridad na pamunuan ang hudikatura.
Ayon sa OSG, hindi dapat itinalaga si Sereno sa Supreme Court dahil kulang ang ipinasa niyang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN).
Dagdag ng mga source, inatasan ng SC ang Judicial and Bar Council (JBC) na buksan ang aplikasyon sa bakanteng posisyon ng chief justice.